Matagumpay  na naitaguyod ng NCR-Labor Convergence Team (NCR-LCT), kabilang ang iba’t ibang ahensya ng DOLE, na pinangungunahan ng Regional Conciliation and Mediation Board-NCR (RCMB-NCR), Department of Labor and Employment (DOLE-NCR), Bureau of Working Condition (BWC),  Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB), Occupational Safety and Health Center (OSHC), at Employees’ Compensation Commission (ECC) ang oryentasyong seminar upang lalong mapalawig at mapagtibay ang samahan ng mga hanay ng manggagawa at namumuhunan. 

Ginanap ang nabanggit na oryentasyon noong ika-7 ng Mayo 2015 sa Icon Hotel, Edsa cor. West Ave., Lungsod ng Quezon.  Layunin nito na maihatid sa mga manggagawa at namumuhunan sa isang istraktura ang mga programa at serbisyo ng DOLE sa pamamagitan ng Labor Management Cooperation/Council (LMC).

Sa kanyang panimulang pananalita, binigyang diin ni RCMB-NCR Director Edgar Aquino ang kahalagahan ng pagkakaroon ng mabuti at magandang samahan ng manggagawa at namumuhunan.

“Ang LMC ay mainam na instrumento sa pakikipagtalakayan na naglalayong matugunan ang ang mga isyu na nakakaapekto sa samahan ng Labor at Management.  Ito rin ang mainam na proseso upang magkatulungan ang bawat partido sa pagresolba ng anumang suliranin,” paliwanag ni Dir. Aquino.

Samantala, higit na naging malinaw sa mga nagsidalo ang pananaw at layunin ng konsepto ng pagtatagpo ng mga programa ng DOLE sa ilalim ng LMC nang ipahayag ito ni Ginoong Alex Avila, Regional Director (RD) ng NCR.

Kaugnay nito, mahusay na naglahad ng kani-kanilang bahagi ang mga inanyayahang tagapagsalita na sina Lovelyn Papas ng NCMB na nagsalita ukol sa pangkalahatang-ideya ng “LMC Convergence”; Ma. Delia Yu ng RCMB-NCR na tumalakay sa “LMC Review”; Aurora Halcon ng DOLE-NCR ukol sa “Family Welfare”; Alicia Borres ng ECC ukol sa “Employees Compensation”; Ma. Erica Mercado ng OSHC ukol sa “Occupational Health and Safety”; Aurora Quitlong ng RTWPB ukol sa” Productivity Tool Box” at Dr. Antonio Valeros ng BWC na nagbahagi ng kaalaman ukol sa “Labor Law Compliance.”

Higit na naging makulay ang talakayan nang pasimulan na ang bahagi ng “Open Forum” na nagbigay-daan upang matugunan ang mga katanungan at mabigyang linaw ang mga agam-agam ng bawat kalahok sa gawain.

Aabot sa humigit-kumulang 46 ang dumalo mula sa hanay ng mga manggagawa at namumuhunan ng NCR ang nagtipon sa naturang oryentasyon.

Dinaluhan din ito ng mga matataas na opisyal ng DOLE sa pangunguna ni Exec. Dir Reynaldo Ubaldo ng NCMB, RD Alex Avila at ARD Nelson Hornilla, kapwa ng DOLE-NCR, at Atty. Catherine Legados-Parado ng BWC.

Ang kabuuan ng seminar ay isa lamang sa mga pagsisikap ng DOLE upang makapagbigay ng impormasyon at direksyon sa mga manggagawa at namumuhunan na matugunan ang pagkakaroon ng disenteng trabaho at mapanatili ang katahimikang pang industriya. /grace f. estorque

***

CONVERGENCE